January 4, 2004

Mga Katawan ng Gabi

(Isang pagtatagpi-tagpi ng hiwa-hiwa at hiwahiwalay na katawan. Tulad ng dati inaalay sa isang diyos, bituin at estado ng pighati. Unang-una kay mahal, dahil sa kanya ang apoy na ito at lamig. Pero, malaking bahagi ay nakalaan sa higanteng pagbubuklod at pagbubukod ng lahat ng yumatangis habang nagdiriwang ang mga bituin, para rin sa kanila ang boses na ito.)

1. Unang Katawan

Ngayong Gabi

tulog ka na

siguro.

Siguro, sa kung saan

na hindi ko kayang puntahan, masaya

kang lumilimot

nitong mundo.

Gustong-gusto ko

sanang datnan ka

sa ganitong apoy

ng loob, kalma ng dibdib

sapagkat, mahal kita—tahimik

nag-iingat

kumatog ang aking loob

at baka

magising ka.

Sa akin na itong Gabi

para tapusin,

kahit nag-iisa. Sa akin na itong dilim

at lamig para sagupain,

sugpuin. Nang bukas

may umaga ang mundo

kang gigisingan.

2. Pangalawang Katawan

Kay gandang gabi upang ipaubaya lamang

sa kalungkutan!

Tinatawagan ko ang lahat, gubat, bato, halaman.

Kayong mga katawang hiwalay sa akin.

Oo’ t may sumpa itong batuhan

sa hubad na talampakan

May pag-gigiit ang pagkalas ng kaluluwa

na di kayang pangatawanan ng laman

Tulad ng ari at sikmura may sariling gutom

ang isipan: Ang tuntunin ang umpisa ng sulo

Manipulahin ang sikretong orasyon ng panggatong

Ngunit kahit ito “y kailangan nang tapusin

Ang gutom ay walang hantungan, hanggang, marahil,

ang gutom ang lumamon sa sarili,

lamang matatapos ang pagkagutom.

*

Sa huli, sa paghahanap ng silbi

isa kang basyong ang laman

ay ang ugong ng kawalan

ng laman. Ngunit wala na sa aking kamay

ang pagsasabi kung tuwa o pagsisisi

ang magiging himlayan mo pagkatapos

ng mahabang paglalakad

kung ang tanging naroroon ay pagmamahal.

Tara, itanong natin sa mga bituin.

Mahal, maaaring ito na lamang, wala nang iba

ang puting ilaw sa dulo ng kuweba

ang naka-unat na kamay na huhugot

sa atin tungo sa paggising at mamatay

na hindi dapat sinadya.

Sa totoo lang, wala nang awit.

Ulyaning Gabi, nalimot kung paano na sumayaw

At kung may awit man, kung may awit man

ay para sa dilim at ang sikreto nitong paghalakhak

na nagsasabing, Halika, tabihan ako sa upuang ito

Kailangan ko ng kasama.

3. Pangatlong Katwan

Ang pinakamalaking takot

nakalaan sa walang katawan

Hindi kalaban o halimaw ito

sa ‘yo, kundi isang ligaya at pag-ibig, oo’ t

sintunadong awit ngunit nakatinga

sa kipot ng lalamunan, paulit-ulit

di tulad ng bilang kundi ng kalangitan

Masagwa, sapagkat ang utak

ay nagiging isang bodega

ng bigong pagtatapang.

Ngunit, sa isipan ang takot

ay isa ring marikit na bulaklak

Marahil hindi dahil wala itong katawan

kundi dapat mo itong hawakan

at iparamdam ang diin ng pananakal.

Paano nga ba hahawakan ang katawan

ng masasayang nakaraan? ugong ng hupyak

na buto sa malagim na oras ng kahel

na pagdapit ng mga dahon.

Gabi ito ng pag-alala sa kabataan.

Ihunos muna ang pakikiapid sa ibang karimlan.

Bihira lang ang nakaraan magnais

na maintindihan.

Saglit lang ang pagtimpi nito ng pagtangis

upang makiusap ng tuwid

at ituro ang mga bukal ng panunubig

at maaaring ilahad nito kung ano ang simula

ng iyong ninanasa.

May pag-asa pa kayang masunog kong muli ang balat

sa malambot na impiyerno ng tapos nang mga pangyayari?

Kung pagtanda ang gantimpala ng kabataan at takot

ang pahingahang papag pagkatapos makibuno

sa kamusmusan. Totoong di na liligaya

Ubusin mo sana ang iyong hininga

sa pagmamahal. Mabuhay silang

ito ang silbi sa mundo. Ang ganda ng gabi

para ipaubaya lamang sa kalungkutan.

4. Pang-apat na Katawan

Isang kaharian ang Gabi

at ang damdami’ y isang dayuhang

walang mahihigaan

Pagsinugod ng mandirigmang tala

ang pag-iisa ano ang aking maiaarmas

kundi ang pagbuklod sa lahat ng alikabok

upang maging alaala ng marami

mong pag-akay sa akin sa iyong tabi.

Tatawag ka, alam ko, nararamdaman ko sa amoy

mula sa walang katiyakang kinaroroonan

ng naiilang na pang-gabing bukadkad.

Isang kaharian ang Gabi ngunit may naiiwang

tulay ang saglit na bulalakaw.

*

sa huli sa bakuran ng iyong mata

ang tanging lugar kung saan matutunton

ang mga hininga.

Ngunit ipinagbabawal ng aking katawan

na hayaang tangayin mo ako ng tuluyan

Kung tuluyang manghihina, at ibibitaw

ng buto ang kapit, at sasadsad sa ‘yo

sa anyong pagsisid ng isdang nahiwalay

at muling nahagilap ang tubig. Isa na namang pag-uulit.

Upang ikulong ako at ang aking mga gabi

sa pagkatok sa ‘yong tarangkahan. Baka mas pakikidigma

ang ganitong paraan. Baka di sumagupa, baka

di lumaban.

5. Panlimang Katawan

Kung mula sa taas titingnan

ang mga naghahanapan sa malamig

na mundo, mula sa mata marahil

ng mga bituin, tulad nila, tayo ‘y isang

pintig din ng pagnais mahupa ang panlalamig.

Magkaroon na sana ng katawang ganap

ang ating paghahanap.

6. Pang-anin na Katawan

Hindi ko sinasadyang tumikom ang maawitin

ang pagtulog na ito’ y di ko sariling

antok. Malamig ang daigdig, mapanira ng sinapupunan,

mapangpaslang sa lahat ng nais makalipad.

May panibagong lamig na gumagapang sa hubad

na Gabi. May mandarambong ng kahulugan

sa malalalim na bituin.

Isang pagkapaos ng paloob na alulong. Isang paninigas ng agos.

Masdan ang pagkabulok ng mga bulaklak, ngunit

ipagluksa ang kawalan ng pagluluksa.

May panibagong lamig na mistulang mapangkupkop

ngunit isang panginoong mapangkamkam

ng nutrisyon sa teatro ng nalupig na pakiramdam.

Patibong sa dagang gutom sa pananalig

ngunit bulag sa silbi. Pader sa blankong tahanan

ng loob. Ito ang kasalukuyan ng bakal.

Ang pagdiriwang sa natuyong pagtubig.

Salamangkero ng kapahingahan sa libo-libong

katre ng Gabi. Upang tulugan ang di mabigyan

ng kasagutan. Upang ihunos ang pagsamo.

Senyal ang maraming tambol ng halakhak

ng sintunadong ligaya. Ligayang isang monumento

ng alamat. Noon: isang mukha sa panaginip.

Kahapon: kalansay sa madamong libingan.

Sa barkong nakalutang sa mundo ng karagatan.

Di mo naisip na ito ang kawalan

sa dibdib ng asong mabangis tumahol

sa umaga ngunit maalulong sa Gabi.

Ito ang lamig. Ikinalulungkot kong sabihing ito

ang totoong kamatayan.

Walang paghilom sa pananaghoy.

Sa pagkapit sa pangako ng mga bulalakaw,

hindi maituturing na pampang sa balsang ginutay ng unos.

Hantungan ngunit hindi katapusan ng pagidlip o pagkalunod.

Imulat sana ng tinik sa nagmamadali

na ito ‘y istasyon lamang ng marahil. Nasa

paghiwa ka pa rin ng daan sa noo

ng kasukalan. pipinan mo ba ng ilaw gasera

ang puting saysay ng buwan.

Mayroon pang pagdaloy, duon sa unahan

nitong pagtuyo. Kailangan. Paano pa susuong

kung wala nang pain. Ang dahilan ng mga sugat

ay para di patunayang maselan ang damdamin,

kailangang makaintindi ng himagsik ang laman

Kahit di aminin ng naghuhuramentadong sawi,

may pangalan ang bawat linuha.

May tokador ng alaala ang bawat hinanakit.

Ganito ang paggalaw ng tadhana. Isang utang

ang init ng kaligayahan sa manhid na mundo.

Kailangan munang madurog bago masanay

sa paglutang. Kailangan. Sapagkat ang pag-ibig

ay kailangang lumagpas sa itatagal ng laman

bago makapagdiwang.

Ilan lang ang nakakatiis alaming marami

pang lugar ang kalawakan para sa bagong bituin.

Na di alamat ang mahika.

Kahit papaano ‘y nakadungaw siya

mula sa kanyang ulap. Ituring na itong pag-usad,

kababalaghan sa walang imahinasyong panahon.

Leave a Reply