January 6, 2004

Ang Lalawigan ng Niyebe

1

Katahimikan ang isinuot ng wagas.

Tabas ng matitikas na hardin ang anyo

ng kapatagan. Mga kalansay ng luntian

ang nakadipa, ang patpat na sanga

ng walang katas na mga kahoy.

Isang mabangis na katawan ang simoy

ang gutom nitong sumagupa

ay hindi maubos. Maghahanap

ng sasalungat, magnanasa

ng magagapi.

Lumalagablab ang sidhi ng lamig

sa antuking paggapang ng kawalan

ng malay. Ang mga pangil

ng bato ay may muhing iniimbak

sa puting pagtahan

ng sulak at bukadkad.

Naririto tayo ngayon

sa pastulan ng pait

dito, ang sakit ng pagputla

ay ibinibinhi sa ating kulay

upang turuan ang laman

na maglaho.

Kung tutuusi’y marami tayong mga katawan

na naririto sa lawak na wari’y walang laman

ngunit tanging bigat ng ating pinapasan

ang naglalagda ng bakas sa malambot

na yelo.

2

Mas matanda pa sa salita ang lupa

at naibigkas muna ang katotohanan

sa pag-uwi sa alikabok bago naisilang

ang pagpangalan sa mga nilalang.

Kakambal ng bawat pag-uha ng simula

ang huling pagtahan sa dulo ng kurdon

ng hininga. Darating ang araw ng pagtikom

ng bukal

na gumagawa sa tubig, huhupa ang sikad

ng alon ng kuna. Hindi ito pagbura

kundi pag-usad ng oras. Hindi ito pagtigil

ng pag-usad, kundi pagpatuloy ng bilang,

ang pagpanatili sa daliring ituro

sa dulo ng huli. Ang pagdaloy ay ito.

Marahil hindi guni-guni ang ginaw

na nagpapalingon sa atin sa likuran

at totoong may talampakan ang yabag

ng bumubuntot na hilakbot.

Di ba’t tanging kalooban natin

ang kumukupas, hindi ang alindog

ng mga bulaklak.

Sa huli, ang labi ng alaala

ang maglalakad sa mundo

upang maghasik ng kalungkutan.

Disyembre 2001.Tayhi.

Sunog

Natapos na ang pagtupok.

At ang mga liblib at kubli

ng mga puno ay isa-isang

nailantad ng haplos ng apoy.

Kinunsumo sa lagablab

ng isang higanteng iglap.

Umawit ang apoy

sa mga sandaling

ang misteryo ng maraming siglo

ay napalaya sa anyo

ng mabagsik na lawin

ng alamat at kahel

na mga anghel, mula sa kulungan

nilang mga troso at balakbak.

Sumayaw itong nagising

na mga ispirito ng pananabik

sa mga oras na nginangasab

ng init ang matitigas

nilang katawan.

Habang natutong lumaya

mula sa mga kahoy

at luntian ang likas

na katotohanan ng pagparaya

ng kanilang katawan sa apoy

lalo ang paglago ng uhaw

ng sunog sa pagsimsim

sa matamis na sustansiya

ng kanyang pagsulak.

Hanggang sa natagpuan nito

ang pagpanaw ng sarili sa dulo

ng huling sanga, at duon

naglaho sa isang malamig

na pagtahan, kasama ang lahat

ng kumplikadong kagubatan

ng sapin-saping paghahabi

ng mga paglilim sa lihim

at paglihim sa bagsik ng lilim.

Sa umpisa hindi na matunton

sa lapot ng pagkubli ng mga dahon

at ugat kung ang lihim mismo

ang naglalang sa lilim

o nang dahil sa lilim naisilang

na lang ang pangangailangan

sa isang lihim.

Ngunit ang lumantad

sa ilalim ng pagkubli

pagkatapos ang sunog

ay ang payak na katotohanan

ng lupa. Ito, wala nang iba.

Pagkatapos ng kasal ng paglantad

at lihim, pagkatapos ng pagsuyo

at pagparaya. Hinawan lamang

ng apoy ang tanging magandang

dahilan na nagkukubli

sa higanteng kapatagan

ng katotohanan.

Marso 5 2002.Tayhi.

Ang Balana

Ang bakurang walang pait

ay ngiti ng isang istatwa.

Isang gintong bituin

na tanging ginto at hugis

lamang. May mga mas ninais

na ipinta ang kalawakan

at ingatan sa isang kahon

magpakailan man, sa halip

na magpalikom sa katawan

ng lahat at dumaloy

sa pulso ng walang hanggan.

Isa marahil itong takot

na ilublob ang paa sa ilog

na may agos ng mga ligaw

na sibat. Sapagkat mahirap

tumayo ng tuwid sa bilog

ng uuga-ugang tubig.

Mas may matematika

sa pampang ng magagaspang

na bato. Walang disgrasya

kung didistansiya sa walang

katiyakan. Mas matalino,

sila ang taga-iling

sa tadhana ng mga humuhulagpos

sa rahas ng daloy. Walang lohika

sa kanila ang aksidente

kung may pag-iingat.

Habang nakamasid sa ilang lumulutang

nang mga katawan sa tubig, may ngiti

sa tuyo nilang mga mukha

sa pagbasa sa babalang ipinaskil

upang ipaalala ang dahilan

ng di nila paglusong,

mamamatay silang matanda,

mas matagal kahit kanino,

nagpapakalunod sa umay

ng pagsipsip sa gata

ng matatamis na bulaklak.

Marso 2 2002.Tayhi.

Mga Tala ng Masalimuot na Pagbabagtas

May gitna ang lahat ng pagalakbay.

Halimbawa kung lilipat mula sa isang lungsod

patungo sa isa, sasapit ang malumbay na kabundukan,

uulit-ulitin ang iisang hitsura ng mga kagubatan.

Mayroong lamig ang gitna ng pag-usad. Isang lawak

na pastulan ng walang tinag. Isang pandayan ng hubog

ng patag at walang imik. Ito ang pagsapit ng bangka

sa gitna ng dagat, sa kuna ng heyograpiyang walang kurba.

Piitan ng paglapat ng dalawang bakal na palad:

ng kalawakan at karagatan. Maselang tulay ang pagitan

na magdudugtong sa linisan at daratnan, isang pagbabalanse

sa makitid na alambre ng pagbabakasakali. Walang ibang materyal

ang katedral ng kahihinatnan maliban sa nanghuhulang mga baraha.

Tanging ang malinaw ay ang paglutang sa mapait

na sanaw ng paghilom ng mga punit na talulot

at labi ng yumaong dahon. Walang kasiguruhan

kung itutulak pa ng oras ang pagtila

ng paglagas. O tuluyan nang lamunin

ng buhangin ang lahat ng bakas ng nabubuhay.

Walang nakakaalam kung sa hantungan nitong nalugmok

na mga katawa ‘y may hagdanan ng muling pag-alsa,

pabalik sa mabagsik na ibabaw. Marahil sa paligid,

sa mga bahaging linupig at humiyaw ng kaluskos,

inuunat na ng malalambot na mga damo

ang bagong tinik ng paghahanda.

Nobyembre 2001.Tayhi.

Ang Hapon ay Panahon ng Paghabol ng Hininga

May apoy ang hininga ng himpapawid

malalim at mainit, antukin. Kilos

ay hindi ang sayaw ng lagablab,

kundi ang marahang paglakbay ng daliri

sa nakalantad na dibdib ng sobrang minahal

habang nasa duyan ng pahinga, marahil sa ilalim

ng punong hitik sa lilim. Marahil sa malawak

na katihan ng matatamis na bulaklak.

Oras ito ng salagubang

pagkatapos lisanin ng mga paru-paro

ang balana. At ang mga dahon

ay gumagaan, at ang mga dahon

ay nagpapahila sa lupa.

Ito ang musikang ayaw nating pakinggan,

dahil inaakay nito ang ating paa sa hukay.

Ang ilog ng oras ay sinisibat ng batuhan,

nilulumpo ng hubog ng pampang at pinaparusahan

ng tinik ng buhangin. Kaya may kupad

ang nagaganap tulad ng bagal ng ulap.

Paalala itong ganito ang katahimikan

sa dulo ng lakas ng ating loob na magpatuloy.

Sapagkat itong lawak ng lantay na langit

ay isang imbakan ng mga paglaho.

At ang mga alaala ay walang katawan

tulad ng panahon na siyang nagpaslang.

Disyembre 2001.Tayhi.

Tabaco Supermarket II

Tulad ng maraming salaula niyang kapatid

mayaman siya sa karukhaan. Malagim ang ilalim

ng kanyang mga mata na himbingan ng pulang kidlat

na sa lahat ng panahon nakaunat, lagda ng suntok

kabayong mga hating-gabi at ang mga pigil ng pag-idlip

ng dugo bago ang tilaok ng tandayag na tandang

ng kalawakan. Nakakasal ang kanilang mga kuyom

sa lalamunan ng bakulaw na paggasta. Dahil

walang patawad ang pangangailangan, sa bulemya hindi

marunong tumanaw ng mga bastardo at utang

na loob ang nakangangang kaha, habang ang pitaka

ay tigang na palayan ng tanso. Ang pag-ipon

ng biyaya ay pagkuyom ng tubig. May sakit

ng pagkabutas ang mga sisidlan ng halaga.

At ang ginto ng salapi ay mantika

kung matulog sa bakal na sinapupunan,

isang balyenang bathala sa puso ng armadong langit.

Tanging ang mga anito ‘t litrato ng relihiyong ito

ang masugid na pinagdidigmaan ng mga panatikong

mananamba. Hindi nila hawak ang payak na laman

ng kanilang diyos, ngunit kailangang sambahin

upang di talikuran. Kaya ang araw-araw ay nagaganap

sa pagbalik dito, paluhod man o lulan sa pilak

na karwahe. Sa walang musikang paraiso, kumakatha

ng musika ang sigaw, sa katahimikan, gumagawa

ng hakbang ang sayaw ng pakikibuno. Lahat para

sa debosyon sa walang maliw na diyos ng Laging

Pangangailangan.

Kung titingnan sa malayo, sa mata marahil ng turista,

ang pag-abot at pagtanggap ng mga kamay ay isang

bilugang supling ng kapayapaan. Isang pinag-isang

pagtahan ng pagnasa. Eden ng balanseng libra.

Pag-ibig.

Subalit karamihan sa mga pagtangis ay may ganitong anyong tahimik.

At ang mga ito madalas ang hitik sa kamandag. Pagnagugutom

ang sikmura, kinakain nito ang pakiramdam.

Isa akong pangamba sa kampon ng mga rosas ng lupit

pinipilit paglitawin ang kayumangging kahapon

ng pagkatao mula sa maliliksing katawan.

Ngunit isa ring bahagi ng isang halimaw ng ginaw. Marahas

tumawa halos kauri ang halakhak ng mga saglit na bato

sa kalawakan, pagnag-aanyong silab sa halik ng atmospera.

Dahil bawat maskara ay may totoong mukha at ang palabas

ay natatapos sa pag-umpisa ng pagpasok sa labasan

ng teatro o sinehan, walang ibang uuwian kundi ang mundo.

Kailangan ikubli ang pagkatalo sa kaliskis ng dambuhalang

may ngising-aso. At ang pag-tubig ng mata ay sa loob

iniluluha, na kahit lunod na ‘y patuloy pa ring hihinga

hangga ‘t hindi tumitigil ang hangin sa pagdating.

Ilang ulit nang gumapang sa impiyerno itong mga nilalang

na walang ungol. May bituka pa bang ihahalang

ang sikmurang kumain sa kanyang sarili. Hindi lang

luntiang mga kagubatan ang sinapupunan ng bangis.

At hindi lang kamandag ng puno ‘t hayop ang elemento

ng kagubatan. Dito sa patag at makinis na kanlungan

ng sibilisasyon natutong maghasa ng sibat ang Roma,

pinerpekto ng Griyego ang panlilinlang, at ang maestro

ay ibinanta ng kanyang disipulo, dito

na pag itinikom mo ang iyong pangil ay kakainin ka

nang buhay ng kapwa mo mangangaso.

* * *

Ngunit nakadikit ang aking mga mata sa kulay

ng iba ‘t ibang payong ng antuking mangga, ubas at ponkan.

At ang awit sa dry goods ni Rodriguez ay alam kong sabayan.

Itinambol ko ang aking palad sa lamesa, inaala ang kalubusan

ng isang antigong awit. Sa kalsada, walang humpay ang ingay

ng nasusunog na gasolina, tinuturuan ng alahera ang kanyang bata

ng Abakada, at pangako ng luntian malayong-malayo rito.

Kung pinahintulutan ko ang pagdagsa ng umuuwing alaala,

di ko kailanman nakalimutang dito natutong maging

ang aking kaluluwa. Nagkakape ang dalawang matanda

upang patulugin ang kanilang pagpanaw. Gamit ang mahabang patpat

minememorya ng bulag sa kadiliman ang anyo ng daigdig.

Tinititigan sa meryenda ng mga kargador ang ipinaskil

kong mukha ni Bob Marley, binabasa ng isa ang koro

ng Redemption Song. Ang paglaya ay mga kalapating ayaw

dumapo sa lupa. Ang hapon ay isang busog na sawa,

sa antuking damuhan ng paulit-ulit, ulit, ulit, ulit…

Sarado na pala ang bigasan nina Caren, at hinahanap ko na siya.

Maraming lungkot, maraming pira-pirasong katawan,

ang naghahanapan ng kabuuan, naghahanapan,

ngunit ang mga mukha ay marami, na

di mo malalaman, kung sino ang hahanapin. Inalok ako

ng yosi ng nagtitinda ng tabak at labaha, pagkatapos ko siyang saluhan

sa pan de sal at malamig na mantikilya, “Huwag kang uminom

ng tubig na malamig at ang pansit sa sikmura ay magigising, mabubuhay”…tawa niya,

sa mukha ng maykapal. Masarap magreklamo sa perpektong mundo

ngunit dito sa totoo, ano pang sarap

ang wala sa ‘yo? Ang langit ay ang kulay ng libo-libong

mga batang naghahabulan magpakailan pa man. Gusto ko lang sumagip

ng ilang tubig sa patuloy na ilog bago ito humalo nang tuluyan

sa walang awang yakap ng Inang Dagat. Umuusok na ang uling

ng isaw at atay ng baboy. HIndi na mapakali ang mga dyipni

sa pagpulot sa pauwing mga estudyante ng Sto. Domingo, Tiwi, Bacacay,

San Antonio, Ligao. Nasaan ka paraisong Maynila sa mga oras na ito?

Nalalaglag na ang kadiliman mula sa kopita ng panahon.

Lumulutang ang pandama kong lobong nabitawan ng bata

patungo sa bakuran ng langit, “Isa akong isda

at kahit papaano ‘y nagi itong isang tubig”, tuloy-tuloy

sa kamay ng mga anghel.

Pebrero 28 2002.(Saod)Tabaco Supermarket-Tayhi.

Ang pagsara ng mga bangketa

P.S.

“Hindi na kayang pigilan ng langit

ang dilim. Ililigpit na nito

ang natitirang liwanag at ilalako

sa ibang panig. Bago sumapit ito

dapat naiwan mo na ang lugar na ito.

Dapat ka nang dumating sa ibang

daratnan.”

Isa munang katahimikan

ang kalsada. Isang di matiyak

na pagbangon at antok. Basta pagtigil,

saglit na pagtahan. Buntong-hininga

ng biglang pagpreno ng harabas

na kislot. Maaaring ito ang blanko

sa pagitan ng pagsalin ng segundo

patungo sa isa. Karamihan muna

sa mga nakatayo kanina ay nakahandusay

sa kurbang hulmahan ng butaka.

At maging ang hugis ng upuang ito

ay anyo ng laboy, mabagal na alaala

ng mga duyan at lumba-lumba, alaala

ng mga umaalong tubig at dilaw

na buhangin. Ito muna bago ang huling ganap

na pamumukadkad

ng galaw

na magsisimula sa isang palatandaan.

Isang tawag sa dulo ng hapon, tulad ng gripo

na nagpapakawala sa ulan

ang susulong sa nomadikong kampon

ng gumugulong na mga kariton ng lugaw

at murang kape sa puwerta papasok sa palengke.

Sa pagsara ng mga bangketa sila ang papalit

na mga tauhan (kahit bastardo) sa entabladong

guguho pagnaubusan ng laman at pagsulong.

Tulak nila ang isang tradisyon ng pagsiping

ng lamig sa daigdig sa ganitong mga sandali,

kaya sila naririto upang ipagdiwang ito,

serbisyong pangsikmura kapalit ng ilang barya

sa mga katulad nilang manlalakbay na ginutay

ng kanya-kanyang maabong daan.

Tatawagin din ang pagkalas sa mga payong

ng mga prutas upang hilahin sa mas masikip

na pasilyo, sa dungawan ng mas maraming gutom

at panlalaway, at duon muling bubuuin ang takam ng piramideng

hilaw na mangga. Hahagupitin ng pagmamadali

ng naghihingalong liwanag

ang nakalantad na likod ng mga tsuper

ng motorsiklo ‘t traysikel, trak at dyip

upang pakawalan sa kalsada ang kulog

at bilis ng kanyang napapanaw na alaala.

Ang resulta ‘y nanlilisik na pagdilat

ng ilaw.

Ano ang nasa malamparang bukid

at hindi iniinda ng naglalako ng kalabaw

ang pahamak sa pagitan ng lumalapot

na gitgitan ng mga sasakyan makasabit lamang

sa dyipning pabaliksa nayon ng mga alitaptap?

Dahil sa debosyong ang bakal

ay hindi nilalang ng dilim

sa pagtanso ng sinag sa talim

at talas ng kanyang mga tabak

at gunting, ipinuputong na

ng mananabak ang huling haplos

ng asayte at gaas sa asero

at tingga ng kanyang mga likha,

upang imbakin ang sining ng talim

sa makikisig na kahon, malayo

sa paninira ng hamog. Halos

kalahati ng panahon ng pagtinda

ay inaalay lamang sa ritwal na ito

ng pagpapanatili sa bagsik ng bakal.

Sinusungkit na ang mga ibinitin.

Pinupumpon ang mga inilatag.

Ang radyo sa dry goods ay tuluyan nang tumahan.

Ang kalampag ng mga lata. Ang lagatik

ng mga kandado sa bigkis ng kadena.

Ganito pala karami ang ikinalat

sa pamumulot ng barya.

May ligaya ba dito sa pulit-

ulit, tulad ng pagkaskas

ng pulubing gitara o paglangoy

ng maninisid sa tag-init,

o pagtalik. Kung ito ‘y gulong lamang

na walang kahihinatnan at pagod,

kailan ihihinto, at lalayo

ang sarili sa tsubibo

ng araw at kalawakan, sa isang

parke, o paglaboy sa bahay

at telebisyon, ang huminga

sa piling naman ng hangin

o maglakad at magtuklas

sa hardin sa labas ng lugar na ito,

bilang isang kulubuting kalansay.

Marso 5 2002.(Saod)Tabaco Supermarket-Tayhi.Tabaco City.

Karangahan Bulebard at ang kanyang mga Aso

Ito ang mga oras na pag-aari nila

ang daanan ko pauwi. Huli na para bumalik,

nakapanliliit namang kumatok sa nagpuntal

nang pinanggalingan. Malamang tinutunton na rin

lang naman ng ilan sa kanila ang likod ko.

At ang tinayuan ko kanina para magbakasakali

ng traysikel ay kanila nang teritoryo. Sinakop

at nilupig ang patay na mga bato, damo,

putik ng kanilang alingasaw at laway.

Balewala nang umatras, wala nang maaatrasan.

Maglalakad na akong tsibog. Lalo na

pag gabing malinaw at nakalantad ang puting

heograpiya ng karimlan, pag sa panliligaw o

pagdalaw sa yapos ng mahal maedyo naabutan

ng oras ng paghahati sa daan, kasing laki

ng buwan ang pag-ambang isusubo ko sa lalamunan.

Naaamoy na nila ang aking buto. Nanlalaway

rabis sa linamnam ng aking nginig.

Nakakahiyang amining takot ako

sa aso, pero totoo ang takot ko.

Anong mga salita ang isasagot sa tahol

nilang naninita, na ako ay dumadaan lamang

at walang balak na manakit, walang armas,

walang pangkalas ng kandado? Nais ko lang

makauwi na hindi natatakot.

Sa lumalagim nilang ungol na lengguwahe,

nakaalerto na ang sangka-asuhan

na parating na ako. Naiinip na marahil

ang ilan at sa pagkayamot na mabagot

tumatawid-tawid na sa lansangan.

Nanghahamon ng habulan sa ginabing mga sasakyan,

ginugulantang ang pauwing mga laseng. Nagbabakod

ng kaharian sa bisa ng ihe. Kaya ang kalsadang ito

ay isang lansangan ng panghe. Hinahabol

ng kagat kahit kabarong nagtatangkang lumapit.

Ganito kasugid sila manarabaho ng pagmasid.

Dahil di ba ‘t takot din ang nagpalaya

sa mga aso sa lansangan. Mistulang payapa

lang ang mga tahanan, ngunit ang katahimikan

ay sanhi ng pagramdam sa mga pangitain ng tahol

sa malupit na lansangan upang maging alarma

at mata, ilong at teynga ng praning nilang

mga panginoon. “Sana naririto si Crypton…”

ang asul kong motorsiklo para mabagtas

ang lansangang ito na walang tastas na laman.

Walang namang maton sa amin, marami lang aso.

Dahil kahit maton ay mapapagaan ang hakbang

kung magkamaling magawi rito. Tulad ko

ngayon at ang gabing nagdaan at mga sasapit

na dadaan sa maraming mababangis na teritoryo,

baon lamang ay bato at panalangin kay San Roque,

patron ng mga aso, “Senyor San Roque, talian nyo po

ang iyong mga aso.”

Nababanaag ko na silang naghahanda

ng kanilang mga tropa ‘t hukbo. Nakatutok

ang nguso sa ihip, tinatahulan ang buwan

at liwanag, sinasamba ang banal na kadiliman.

Dito sa may Bulwagan (ng Katarungan)

ang pinakamarami at may sakop

na pinakamalaki. Rinoronda mula rito

hanggang sa beerhouse ni Almonte,

hanggang sa istasyon ng himbing na mga tanod.

Mula doon hanggang sa interseksiyon ng Karanghan

at Ziga abenyu, ang may bansag na Mabagsik

na Inahin at ang kanyang mga supling, bansutin

at tingting ngunit pinakahalang ang bituka,

walang sinasanto, tamang duda, di nagtitiwala

basta may paa at kayang tumakbo. Kaya maige

nang tumigil sa gitna ng kalsada at magmakaawang

padaanin ng payat na mga katawan. Minsan

naglalakad pusa para di maistorbo ang tulog

ng magarapatang tambay, nakahilatang

parang walang kamatayan sa kalsada. Sa may Tayhi

ang maiinit ang katawan, gabi-gabing nagkakastasan.

Madalas nang mailagay sa pagsubok ang tatag ng itlog.

Madalas nang rambulin ng talunang mga barakong

ako ang binalingan. Sa huli ang sa kapitbahay namin.

Lolo na pero may gana pang iharang ang katawan

sa makitid na daan. Ngunit pagbumiyaw ka, akmang babato,

kahit walang laman ang kuyom, walang buntot itong tatakbo.

May mga kuko

na akong naririnig.

Heto na ang matalik nating mga kaibigan.

Buong takam na tumatakbo

patungo sa akin,

para madampian ako ng halik:

“Bakit ngayon ka lang ginoong Tao, kanina ka pa

namin hinihintay, pinag-aawayan. Isang tropeo.”

Pebrero 28 2oo2.Tayhi.Tabaco City.

Tagal

Walang hanggan

ng magpakailan pa man

ang multo nitong multo.

Isang mabagal na musika

ng patay at dapit

paikot sa ilog na

nakapulupot sa mundong

ahas ng agos. Multo

tulad ng langit

na kumpol ng mga lilang

bulaklak. Tulad ng ulan

at itom

ng kapeng iniwan o

nakalimutan

sa lamig ng balkonahe.

Puting kurtina

sa lumang bahay

na tuluyan nang

pinatay ang ilaw,

burdado ng ligaya

at lumipas na glorya

ng noon. Walang hanggan

wari ang bigat. Dito.

Sa tanggapan ng pait

at lason. Dito na siya

ring halamanan at lihim

na hardin

ng pag-ibig. Umuusad

tulad ng kalkuladong lingkis

ng relehiyosong sawa

ang bakod

ng siyudad at ng mga grasang

lansangan. Sa bakal na utos

ng isang blokeng bato

sa gintong trono, ang lamig

ay umuunlad.

Kaninong paglaya

ang ihip ng hangin.

Ang paghalimuyak

ng mga pangitain.

Alam mo ba ang daan

paalis dito, ikaw na nakakapansin

na walang pintuan?

Mamayang gabi

sa bughaw na tulog ng lahat,

muli tayong lilinlangin ng katahimkan

at pilit ilalayo ang ating mga katanungan

sa punto. Dahil bubuka

ang minsang pintuan

ng ngayon. Pupuslit

ang mga panginoong

walang hininga at kamatayan.

Sasabak tayo. Isang makisig

na kabayong kayang tagusin

ang ilusyon. Makikihati tayo

sa kanilang lagusan. Puno

ng enerhiya ng nagpasuklob

na lakas.

Hango sa karagatan.

Hango sa higanti

ng mga napaluhod

na taong-diyos.

Isang matipunong gulong

ng kidlat. Uhaw ng mga pumalyang

pagsagupa at pagpalag.

Walang lingon

ulo sa ulo. Tungo

sa kabilang kalungkutan.

Sa pugad ng mararangal

na halimaw na silang

humubog sa mga bayani.

Huwag lang ito. Huwag lang

dito sa lupaing puno

ng lupaypay na bulaklak.

Marso 2 2002.Tayhi.Tabaco City.

Leave a Reply