March 4, 2004

Mga Bituin Kami sa Bubong ng isang Gusali sa Pedro Gil Malate

1

Dito kami tumutungo

bilang ulila at pagod

na makina.

Mga oras na alangan.

Pagnawaldas na ang barya

at kinang

sa pakikiapid sa mundo,

magpapasyang bumaba na

sa tsubibo

at iduwal ang lahat

na nilunok

na parang lason.

Kapag lamig na lang

ang tinatanggap na halaga.

Ito’y kapag ang lagim

ng gabi ay yumayabong

at inaani na lahat

ng anino.

Gamit ang pasuray-suray

na hilagang tala

gagamayin ang pauwi,

pero hindi makukuha.

Dito namin natatagpuan

ang sariling kumakatok

pagwala nang ibang pintuang

bumubukas.

Dito napapatag ang bako-bakong

kalooban.

May pansamantalang yakap

ng silungan ang salubong

ng tarangkahan

ng sala at hapag kainan.

Habang ang gabi sa labas,

umiindak ng sayaw

ng mangangaso.

Tumataga ang talim

ng neon sa salamin

ng bintana, bulaga

ng kidlat na umuusig

sa mga traydor at pader.

Pero nakaakbay ang init

ng magkakarugtong nating paghinga

na parang isang mahabang kuwento,

habang isa-isang humahalik

ang ating mga labi

sa mapait na baso

sa ritwal nito ng pag-ikot.

Di na muling nagagawi ruon

ang aking paningin, sa pangitain.

Sisindihan natin

ang lahat ng sigarilyo

hanggang sa mahilo tayo

at magnasa ng katabi

sa higaan.

Nagigi tayong malumanay

sa ating kasakiman na mahalin.

Kaya ang madaling araw

ay natitiis nating

walang unan

upang makatikim tayo

ng pagmamahal.

Tumutungo sa damuhan

at dun natutulog

kasama ang nais mahalin.

Lumilikom ng matamis na alak

mula sa mga taon,

nagkukuwento ng kahindik-hindik

na multo,

nagtatawag ng lamok at lamig

upang di pumikit

ang nais mahalin.

Pag ang pusong ganito nababasag

kumakatha ng luha ang kabibe

humahakbang ang mga ulap

sa kanilang kamatayan.

Sa gusaling bahay na ito

ang maraming pag-ibig

na binuklod sa buhangin

at pilit itinayo

sa kabila ng walang dudang

kakayahan ng hangin

na mangguho.

Pag ang pusong ganito nababasag

tulad ng paghakbang ng mga ulap

wala itong tunog.

Kung may pagmamahal

tulad ito ng kabibeng

kumakatha ng luha

sa dalisay na liblib.

2

Mabigat ang oras

ng pag-uumaga.

Upang ang dilim

ay makapagluwal

ng isang araw

kailangang humugot ng lakas

sa mga lupaypay na katawan

sa kabaong ng katre.

Pero hindi tayo natatakot

maubos o matigang.

Umaapaw tayo

mula sa ating

mga bibig.

Ang kaluluwa natin

ay walang katapusan.

Di ba’t ang mga tulay

ng ating labi’y pinagdidikit

upang magtagpo

ang mga sarili?

Kaunti na lang

at ang mga mukha natin

ay hahalik na

sa kalawakan,

sa matubig nating paglutang

duon sa bubungan

sa pagsalubong sa paglantad

ng araw sa Maynilang

walang maaalala sa nangyari

ngayong gabi.

3

Ang pagpanhik natin sa bubong

ay pagakyat sa bahay na hangin.

Kahit di mahawakan

ang mga bagay sa malayo,

basta nananatili,

ay atin. Tulad ng ilaw,

tulad ng dilim.

Dito sa bubong,

buo ang ating kaloobang

bubong natin

ang kalawakan.

At sa bubong na ito

tayo ay mga bituin.

Si Christina, si Antares

si Kathleen at Maureen

ay nandito. Nagaganap sila

sa kadiliman bilang hugis

ng mayuyuming nilalang.

Si Joel na isang masidhing planeta

at ang patay na bituing ako

ay naririto.

Kinumpol na mga sulak

sa kaibuturan ng tikom

na bulaklak, sa isang iglap

isang uniberso, tayo.

Marahil maraming kawangis

sa ibang hardin at panahon:

bumukadkad, lumagablab

at natupok.

Sapat na iyon

para tawaging buhay.

Sa pag-idlip namin,

dapat lang

na bumangon na ang araw

upang dito’y humalili

ng kabuluhan.

BMC Naga, March 04 2004.

Leave a Reply