Ngayong A-gusto

August 31, 2004

Rahan

Maisasalin kaya ang pag-ibig

sa rahan ng paglapat ng labi

sa lahat ng nakalantad mong ibabaw.

Hindi pagdadalawang isip, lalo na

pag-iingat, kundi pagrespeto

sa pagdating sa ibang tahanan.

Pagpupugay sa tarangkahan

ng harding ligaw, ang malaboy

na paguunti-unti ng hakbang

patungo sa pusod ng kabulaklakan.

Pagkiliti sa pagitan hindi pag-urong

ang nagpapabagal sa aking paglapag

sa sumuko mong pag-ilap. Hindi ko nais

na madaliin ang pagsaboy ng apoy

sa buong natuyo mong bansa.

Saglit ang alaala ng maikling

paglagablab. Nais kong punlaan

ng marahang apoy ang bawat dahon

sa iyong katihan.

Kaniig

Hindi bilang ang magsasabi kung ilang beses

tayong humigang sabay.

Tanging ang haba ng katahimikan lamang,

pagkatapos muling maghiwalay

ang ating mga katawan, ang magsasabing marami

tayong inubos na oras sa pagbabakasakali

duon sa katre ng nakapikit nating mga mata

na nakalutang, bahagya lamang, sa pagitan

ng sahig, at panaginip

ng isang totoong pag-ibig.

Puno

Walang bibig ang puno

ngunit tinawag nito ang aming pansin.

Sa paghahanap ng saksi sa sumpa

ng aming magpakailan pa man

dumulog kami sa payo ng puno

na kayang lampasan ang pagsingsing

ng taon sa aming mga katawan, buhay,

ang aming walang hanggan.

Nang itarak ko ang punyal ng pangako

sa kulubot ng balakbak

umayon ang aming tadhana

sa katahimikang ito:

sino ang makakatumpak sa disenyong

binabalak ng malihim na mga sanga.

TAYONG SA TAKOT, HINDI

Para kay Ate Ling-ling

PANAWAGAN:

“Maniwala kayo sa amin, sapagkat

kami’y dati ring tulad niyo!

Sumasayaw sa dibdib ng Sawa,

at naghahandog ng Kamandag!”

Tayong sa takot hindi makalakad mag-isa

ay hindi dapat matakot

ngunit paano natin haharapin

ang mga mukha niyo?

Tayong sa takot hindi makaalis sa pag-iisa

ay hindi dapat matalo

ng takot. Pero paano natin haharapin

ang mga itinayo niyong mga istruktura

na kami lamang ang nakakaintinding matakot?

Alam ba naming kung ano ‘yun? Dilim—hindi

niyo kayang gumawa ng Dilim.

Kailangan din naming lumabas,

humimlay sa sibilisasyon

ng tahimik na bangko sa plasa—

di ba ginawa yun para sa pag-isa?

Kailangan din naming Makita ang mahal

naming at ang kanilang mga Tala,

kailangan din naming sumigasig para makapasa

sa pagalakad sa pedestriyanong paraan—Normalidad

tuwing kumakalat ang inyong halakhakan,

lalo na pagsumasapit ang pag-dapit ng hapon, marami

ang namamatay sa lason ng sarili naming emosyon—

kaming hindi mahawakan, hindi makahawak—

ang turing namin sa sarili’y walang silbe—

sa mga payak na alikabok ng ordinaryo—

Malinis kaming monghe na sa Altar

dinalisay ng Katahimikan—May boses pa ba kami,

sakaling biglain niyong kausapin

sa kabilang ibayo ng nagbabakod sa atin,

na ikaw matapang at normal, ay nagsigasig

na silipin?

Pipilitin naming sigurong patabladahin

ang lohika sa mata naming kablangkohang

mukha ng lahat ng Anghel.

Pero huwag na huwag niyong ipakita

sa amin ang mantsa sa inyong ngiping kumain

sa mga karenderia at gotohan, ang nokturnal na karnabal

ng naglilingkisang mga katawan, kung saan nagpapasahan

ng laway ang buong bayan sa isang bulag na halikan

sa bakal ng pampublikong kubyertos.

May imahe na sa imahinasyon

naming ang iniwan naming bayan, na sa sulok

ng pinakamainit na temperatura ng laman, nakaantabay

ang kinatatakutan namin.

Intindihin niyo ang kalambutan

ng aming bakal. Naniniwala kaming ang Sawa

na may matang sinlalaim ng parusang impiyerno

at alinawnawang sing itim ng batong tinapyas

sa nakaliyad na mga bundok na nagsi-alsa

sa Limbo at paglimot, at sa mga pook na walang sinasantong ilaw,

ay nagkalaman na—mula sa isang higanteng ere

ng pangamba, hinubog na ito ng paulit-ulit

na mga gabing namumukaw ang mga panaginip—at sa mga katawang

nagitlang bumangon, walang ibang haharap sa kanila

kundi ang walang paumanhing kadiliman!

Hindi kami basta mga batang takot sa dilim.

Hindi lang basta ganito.

Pagtinititigan naming kayo ng matalas

hinuhuli lang namin ang ikinukubli niyong ahas—

at lahat tayo may kamandag, itinatago

sa pinakamaselang kalasag—at inaalagaan. Pangil

sa pangil, dito sa lupalop

ng predator sa predator. At ang kasaysayan

ng sagupaang ito, na nagpasambulat

sa maraming kamandag sa dibdib ng Sawa,

ang sa kanya’y gumigising at nagsiksik ng laman

sa Lakas. At kami ay taga-ramdam lamang

ng kanyang pagdausdos, ng kanyang puwersa.

Litrato ng hagdang nakatambak sa bakuran

Sa kanyang pag-akyat sa ating binababaan

Pagkatapos ng maraming taon

ng pagpapa-apak

lumuwag din ang turnilyo ng hagdan

sa Gabing ito’y umungol

nang walang dahilan.

Hindi siya ang halige ng tahanan

ang posteng nagmumukmok sa apat na sulok

ang ilaw na wasak ang katawan, taga-binyag

sa paganong mga anino, winawagayway ang kuryenteng

oliba sa limbong ang relihiyon ay walang

pag-ibig.

Wala na itong tuhod

na ipantutukod sa bigat

ng naipong pasensiya

sa kawkawan ng taas at baba.

At binungi ng minsang suwail

na sampal ang tabla

nang magdabog ang hindi pinayagang

paa.

Pero makakalimutan niya ba ang maingat

na dampi ng inumagang sneaker

na sa pagpapatahan sa katahimika’y

gumising sa imortal

na intimasiya? (At kahit ang mga kuto

niyang anay ay makapagsasabi

na wala siyang pinatulog na Gabi

sa pagsisilbi).

Nagawa niya na bang akyatin

ang taas, o babain

ang baba

kung siya ay nagkakasilbe

pag nasa gitna?

Paano kaya kung sa kanyang pagkakahoy

di na lang siya naging hagdan?

Kundi isang respetadong lamesa

o paboritong lumba-lumba

o kaya’y madunong na pasamano

ng mga libro?

Sino ba ang makapagpapalit

nang biglaan

ang kayang bumaluktot ng balikat

ng ilang taon—

madalian

isang mabilis na pagpilas

ng Huling Hangganan, ang tanging hiblang

nakabara sa lagusan ng isang galit

na pagpulandit—hinay-hinay na Alimango

ng Panahon, ang dapat humugot

sa sandalan, kung ang tahanan ay isang

palasyo ng baraha—

kung ito’y isang pagpipigil

ng tibok

kung ito’y hindi na muling

paghinga ng oksihinang

sumisid sa malalalang espasyo—

ang bakanteng katawang

sumisiksik sa mga puntod ng titik:

ang tulalang aklatan

ang humihigpit sa mga gusot na umiporme

ng beteranong kurtina, sinasala ang katinuan

sa palad ng bintana, hinihilod mula sa pribadong

likod ng hangin—ang banging ang hantungan

ay kinakapa pa sa dilim ng bulag na daliri.

Mapapansin na lang siguro

isang araw ang patlang

pag hindi na magkaintindihan

ang pababa at paakyat.

At ngayong nasa harap ko mismo

nakaratay ang patay na balikat

ang kahoy na ulap

na naglutang at naglapag

sa ating mga katawang

di nabiyayaan ng pakpak

hinihingi nitong iapak mo

ang teynga ng imahinasyon

sa imposibleng kalansay

niyang kahoy,

at pakinggan

ang alikabuking alunignig

ng mga tibok ng yapak.

Nararapat ba akong

sumaksi sa lahat

ng trahedya sa mundo—

ang hinanakit ng isang bayani,

na ngayong siya’y nakahandusay pa

di na puwedeng apakan?

*

Nakikiramay sa malayo ang pintuan.

Bahagya itong nakausli sa pagsaludo

sa kanyang kasama—para akitin

ang ilang sundanging silahis

ng bagong umaga na tagain

ang anino

at pagsuwayin

sa iba’t ibang sulok

ang mga hindi maluha

nang makaramdam naman kung gaano

humilap ang mangulila.

Bulaklak

Pinumpon ang buong kamay,

ang makalyong kamay, ang kamay

na sunog, ang kamay ng grasa

sa pagkakatuhog

sa malamig na baras

ng dyipning pasma, ang dyipni ng Maynila.

Sinisingil ng katahimikan

ang bawat pagod na mukhang

mukhang bangko, mukhang semento,

mukhang libro, mukhang kaha de yero,

mukhang alambre, mukhang estante at tisyu,

mukhang koryente at pala, mukhang pison at maso,

mukhang langis at makina—mga mukhang

nakasandig sa nanginginig na upuan.

Pauwi na naman ang gutom

sa sikmura.

Tiis, hele ng haplos ng kusina

sa mga eroplanong papel, bangkang papel

mga inililipad na papel palayas sa bintana,

nagpapataba pa ang pitaka sa opisina

bago katayin sa talipapa.

Pinumpon ang buong buntong hininga

ang hingal, ang pagal na hingal, ang hingal

na basa, ang hingal ng lupa

sa mga tahanang

sabay-sabay na nagsasara ng ilaw

at bintana

ang iyaking bintana

ang kurtinang luha

ang Maynila.

Inaako ng pintuan

ang bawat pagod ng katawan,

banko, semento, libro

kahe de yero, alambre, estante

tisyu, koryente…pala, pison

maso, langis, makina

mga katawan ng mukhang nanginginig

sa malambot na upuan.

Pagod na ang gabi

ngunit hindi maaaring mapanatag

ang isip. Kailangan nitong mabalisa.

Kailangan nitong maghanap ng kasagutan

sa mga saradong bangketa, simbahan at kalsada

kung kailan iilap ang pangangailangan

sa kasangkapan at pera

sa relihiyon at Dios.

At kahit may katapusan

ang imortalidad ng koryente

sa pagsaludo sa bandila ng telebisyon

hindi nito gustong lumaya

sa makina

sa isang magdamag lamang

sapagkat makina na rin ang nagsabing

“Tuhugin mo ng pagkakataong makamandag

ang lalamunan ng dambuhalang

nakangiti sa kanyang himbing

bago muling maging gising

at tayo ‘y muling maging matatakutin!”

At pinumpon ang buong puso

ang ispiritong humihinga sa gitna

ng dibdib, ang balat

sa basurahan ng bakal

ang sikmura ng kaluluwa

ang bulaklak

ng laman mo, Maynila,

sa tatlong batang isiniksik ng ulan

sa payong at pinagsasaluhan

ang kandilang nakatirik, unti-unting

tumitirik sa tilamsik ng tubig,

habang isa-isang inilalatag ang teks

sa malambot na yakap ng putik.

Leave a Reply