Casa del Agua

Malayo ka pa ‘y tatahulan ka na ng pagtahan

dahil sa libo-libong paghinga ng buhok ng bundok

na kakahuyan at ang nagkukubli ditong mga bangis.

Marahil sa una ‘y pagbubuhulin ang sikmura mo

ng pakiramdam na lumalayo na tayo sa kapatagan.

Ito ‘y dahil idinuduwal na tayo ng bitukang-manok

ng bundok paluwa sa kanyang matulis na tuktok.

Hayaan mo munang maging turista ka sa ating pagpupugaran.

Paghalikin mo ang iyong paningin sa mga tanawing

birhen pa sa imahinasyon ng iyong mata. Wariin mong simbahan

ang mga anyo, at kumagat ka sa marupok na pintuan ng mga ito.

Nakita na natin ito sa isang pelikula, minsan sa ilang larawan,

o ibinasa sa lampin ng lambing at simbuyo.

Batong korona ng dambuhalang bundok, isang parola

sa karagatan ng alapaap, o isang binibini, ina,

birheng sakripisyo sa altar ng bathala sa ulap.

Maaaring isa ring lungkot sa ermitanyong noo ng tayog.

Puting katedral sa paganong luntian. At ang relihiyon

at panginoon nito ‘y matahimik na pag-akit.

Maging kumunista tayong dalawa dito sa malaya

nating bansa. Maging malaya, sa pagkubli ng mga pader

sa kakahuyan. Tirikan natin ng esperma ang landas

patungo sa ating tarangkahan, upang sa gabi ‘y mailuwal

ng kadiliman ang isang apoy na ahas. Taga-lamon ng mundo

at tanod ng ating katahimikan. Ang tarangkahan natin

ay mga bakal na sibat, dahil mahalaga sa atin ang malubayan

sa pangangambala. Nakatanghal dito ang kalasag ng ating pag-iisa:

ang alimango ng Cancer sa loob ng pagbilog ng dalawang isda

ng Pisces. “Ang kasal ng dalawang tubig”, ang sabi ng mga titik,

at ang tatlong pinahahalagahang paninindigan: Katapatan, Sakripisyo,

at Simbuyo.

Sa una mong pagdating dito, sinadya kong buksan

ang salaming mga bintana at pakawayin ang mga kurtina.

Ang bughaw mong rosas ang kulay ng ating bakuran

subalit, pamahiin ng panatikong sunflower ang sasagip sa kabaogan

ng ating hardin. Itanong natin sa kanila kung nasaan

ang trono ng apoy. Ginawan kita ng munting lawa

at pinuno ko ito ng lotus. Maglakad ka

sa ibabaw ng tubig at dungawin ang gintong karpa

at ang walang-maliw mong sarili, dahil tinupad ko

ang tulay na kawayan, tulad nang nakita natin

sa isang bakuran sa San Jose. Sa gilid ng lawang yaon

ay isang kubong ibinigkis kong mag-isa ng aking mga kamay,

ang natuyong luntian ng ating kabataang puno ng puting yelo.

Magpakamusmos tayo at magpakapayak.

Tumigil tayo sa pagtanda dito

at manahanan na tila kalalabas lang sa sinapupunan.

Maghubad tayo at magpakadungis. Magpakawala tayo

ng libo-libong paru-paro. Sa gitna ng lahat ng halaman,

margarita at damong bermuda ay ang koronang bukal

sa anyo ng magkatalikod na isda sa posisyon

ng kanilang pagkakabingwit, ang kanilang nguso

ay bumubuga ng talon ng tubig. Sa ulo ng dalawang isda

ang isang inahing alimango na naka-upo sa kanyang perlas

na pangingitlog. Inaalsa ng dalawang makapangyarihang sipit

ang araw, at sa gitna nito ang matalas na mata ng bathala.

Bago mo matungo ang pintuan,

padadaanin kita sa parihabang arko ng bogambilya

na nagsasaboy sa iyong ulo

ng mga pulang halik ng apoy na labi

sa dilaw na mga tanghali ng tagsibol at tag-init.

Ang buhok mo ay malaya, kaya inilugay ko ang pulang bubong

hanggang sa balikat ng pader. At ang ngiti ng iyong kahubaran

ang ipinintura ko sa mga dingding. Na ang mga poste ‘y

di tulad ng aking tuhod na madaling mabali, kundi ng aking init,

imbong na manununaw ng ginaw at niyebeng mga panahon.

Iuukit ko dito, sa kristal na titik ang aking mga tula at pangako

dahil ako ‘y madaling makalimot.

Sa balkon ko iniwan ang aking puso

dahil dito naninirahan ang simoy, na dala ng maaalalahaning ibon.

Maging tamad tayong mga panginoon habang namamagitan ang ating katawan

sa paninilbihan ng dalawang taga-aliw: ang entablado ng marikit

ngunit masungit na mga akrobatikong bituin sa sinulid ng hangin

at ang karnabal ng kulay-payasong dulot ng pagsanib ng libo-libong

talulot sa hardin, sa ating paanan. Sindihan natin dito

ang ating mga sigarilyo at ang mga hapon ay dito natin punan

at ubusin na nakatingin sa malayong dagat na humahampas sa lupa,

na walang iyak at pagsisisi. Masdan mo mula rito ang batakan

ng dalampasigan at kaligiran sa kumot na tubig. At ang araw

na pagnahuhulog ay kahel na platito, na paglumulutang ay gintong barya.

Sa gabi di ka magugutom sa bituin, ariin mo na rin ang langit

bilang sisidlan ng diyamante.

Sa balikat ng bahay itinayo ko

ang isang tore na tagapag-ingat ng ating mga hagdanan.

Sa noo ng tore natin ihiga

ang lahat nating karamdaman at pait,

sa ilalim ng mga bituin sa kwartong kwadradong salamin,

ang tanging diyamante dito sa korona

ang tanging korona sa mga gintong sumbrero.

Papanoorin ang ating pagtulog

at pagsapi ng mga kahoy at ilaw ng malayong, malayong siyudad

lampas sa pinakamalayong kabundukan.

Mula rito huwag kang matakot, walang kamay

na makakapatay sa puting koryente ng buwan at ang ihip ay hininga

ng abanikong walang kapaguran.

Pebrero 12 2002.Saod-Tayhi.

Lalim

Sapagkat di tulad ng hanging madaling mahagilap,

kailangan lang ng tubig na matagpuan. Hahanapin

sa malililim na liblib, madalas sa matatalas na batuhan.

Hindi halimaw subalit kailangang paamuhin,

malimit dapat gulatin para mahuli.

Dahil maagaw man mula sa pananaginip ang paghimbing

at maagaw mula sa pag-ibig ang ulirat ng tubig,

ilalayo ang kamay sa init, dadagdagan ang lalim,

susuot sa singit, sa dilim itutuloy ang pag-awit.

At kung ang awit

ng tubig maririnig, di tulad ng awit ng lupa o apoy,

kundi ang bigat na naiiwan sa damuhan

pagkalipas umawit ang hangin.

Awit ng tubig ang lagablab ng estrelya

pagkaluwal mula sa malagim na awit ng lupa,

ang sariling pagkasupil ng mapanirang apoy ay awit ng tubig.

Kung ayaw magpakita ang mapanlarong hangin

nakakasakit naman ang pang-aakit ng apoy,

tapat ang pangako ng lupa, lamang sa matatabang sinapupunan.

At di ba’t ang maibibigay lang ng tubig ay ang sarili

mo hindi sa piling niya kundi sa duyan ng iyong mundo?

Dahil, matatagpuan na itong umiibig, malayo ka pa man

may pagdiriwang na ang pag-agos sa iyong pagdating.

Nakatali na sa kinalalagyan ng paghihintay.

Nag-iisa

at umiibig

sa tuktok ng bundok

kung saan malapit sa tainga ng Dios

kung saan malayo sa mga nilalang

na nabigyan ng paglipad.

Kahit magdamag kung pagsuyo

sa mga bituin ay di gagalaw.

Sa ibabaw,

ay isang debotong

salamin ng panatag

na pagpapaalipin.

Ngunit sa pusod, sa bansa

ng di naisabing luwad, sa hantungan ng inakong mga ibinato

sa tubig, malambot ang sayaw ng maputlang halaman.

Sa wakas, walang makikitang dalawang tubig

sa isang

panahon. Hangga’t kayang makisapi, dudugtong ang dalawang

katahimikan upang magbigay ng mas tahimik na pananatili.

Apartment

Kaunti na lang ang natitira sa magdamag

nang ilapag natin ang ating mga sarili

sa lambot na iniwan ng pinatay na ilaw.

Inulit ko sa ‘yo sa anyo ng selan at diin

ang mga halimuyak na ibinubuga ng malapot

na hardin sa gitna ng aking kabuuan. Sa dilim

isiniksik natin ang dambuhalang katawan

ng gabi sa isang kahon ng lagablab, at tayo’y

dalawang ulap na nagsagupa upang isilang

ang unos ng halik at marahang hagupit

ng mga daliring kidlat, sa hinawang kapatagan

ng ating mga katawan. Isa-isa kong hinimay

ang ulap sa iyong kalangitan, nang iharap mo

sa akin ang buo mong sarili’y mistulang

nakadungaw ako sa isang lungsod ng mga bituin.

Isinubo ko ang aking haplos sa malungkot

mong kalawakan, at mula sa humigpit kong bibig

ang bakas ng pulang mga planeta. Hinalina ako

ng mga braso ng iyong amoy, patungo

sa walang kapanatagang tubig ng iyong dibdib,

at pumilit sa aking paghinga ang maraming alon.

Umalingawngaw ang hamog sa ating balat

nang sa unang pagkakatao’y iuwi ko ang ugat

ng aking sulak sa nangungulilang tahanan

ng iyong pagbukadkad. Inipon sa pag-isa natin

ang lahat ng rahas na nagdadakila sa habagat

at lumayas ang residenteng tikas sa mga kagamitan

at bagay patungo sa mga lansangan.

Langit sa Tapat ng Balkonahe ni Caren

Kung ang mundo ay manlulunod

dito tumatahan ang pananagwan

sa dagat ng babala’t pangamba

dito sa kalangitan sa tapat

ng balkonahe ni Caren.

Ang mga bituin

ay ipininta ng bathala

sa kanyang kamusmusan.

At ang buwan

ay isang apoy

na pilak

na ikinumpol

sa palad

ng makidlat

na kakahuyan.

Dito namin itiniklop

ang aming bagwis

para magpatihulog

mula sa mabangis na lupa

patungo

sa pagyapos ng lalim

ng gabi. Dito ko isinuko ang tulis

ng aking mga kuko

upang hawakan siya

ng paulit-ulit. Dito

sa napakaliit na bahagi

ng mundo

sa napakahigpit

na panahon namin

itinayo ang maselan

naming kalawakan

at pinamulaklak

ang mga planeta

sa tigang

na mga ulap.

Dito ko siya ikinalong

sa aking mga hita

at ninais na huwag

na siyang lilisan.

Sa puting mga upuan

dalawa kaming lasing

sa akbay ng anino

ng sinampay,

dahan-dahang gumapang

ang unang pagtagpo

ng aming mga labi.

Dito rin

giniba

ang paminsan-

minsang pagbakod

ng matigas

na mundo

sa pagitan namin

upang muling

humandusay

sa isang mas mainit

na pagkatunaw

sa isa’t isa.

Sa malalim na oras

na wala nang ingay

ang gabi, sinuong namin

ang isa’t isa

sa mas malalim

na pagtatagpo

upang

paghiyawin ang katahimikan

ng mas katahimikan.

Ito

ang mga gabing pagtumingala ka ‘y

parang kinikinis ng init ang mga bituin

at pinupunasan ng lampin ng maselang hamog

ang salamin ng langit

dito

sa tapat

ng balkonahe ni Caren.

Nobyembre 8 2001, Tayhi.

Sa Ilalim ng Ulan

Sa silong ng isang gabing

mga daliri ang ulan

habang umuulan ng daliri

sa ibabaw ng aming mga katawan,

humigpit ang paghaplos ng tubig

sa mga palapag ng dahon, matapat

na sinundan ang kurba ng mga bato

at hibla ng lumot. Upang makauwi

sa mga bitak ng mabalahibong lupa.

Dumaloy ang pagpatak ng aming mga palad

sa mga bubungan ng aming bumigat na saplot,

maalab na nagsasaliksik

ng mga tuping maaagusan,

kumalat sa lansangan ng aming braso,

at sa mga lansangang ito bumangon

ang usok ng napapasong tubig.

Sa aking pag-agos siya ay puno ng kabundukan

at maselang alapaap, na sa mga bahagi

niyang matatayog ang pag-alsa, naipon

at umapaw ang aking pagragasa, patungo

sa nakakubling bukal

na ang hininga ay nagdudulot

ng mga anino. Ang gabi

ay nadidiligan ng mga daliri

at kami ay pinaghigpit ng ulan.

Sa paggapang ng katas

na naghuhugis sa lungkot

ng panahon, kami ay naiipon

na monumento ng apoy

sa gitna ng ginaw, nakasagupa

sa saboy ng sulak, na nagbasa

sa mga katawan ng istruktura ‘t

kalikasan. At kahit di namin masugpo

ang isang mundo ng pag-ulan ng lamig

inakay namin sa mainit na himlayan

ang pagpapatiwakal ng bawat butil

ng ginaw, hinawaan ng lagnat

ang pagsagi ng bawat malagim

na pagbagsak ng mga sibat

ng ulap. Tanging ang aming init

ang sumapi sa paggapang, nakikilingkis

sa pag-usad sa lahat ng direksiyon,

sa kung saan man uuwi

ang paghaplos ng tubig.

Nobyembre 8 2001, Tayhi.

Isinuko mo ang iyong ulo sa aking dibdib

Isinuko mo ang iyong ulo sa aking dibdib,

at ang iyong buhok ay ang libo-libong pag-uwi

ng ilog sa pampang ng aking braso. Hitik ang gabi

ng mga anino, at ang mga anino ay sinapupunan

ng kambal na supling: kaluskos at pagtigil.

Naririto uli tayo sa balkonahe ng mga bakal

na upuan at sinampay, kapiling ang gabi at magkapiling

sa gabi. Marahil kung ibabawas sa atin ang dekorasyon

ng ating katawan at iuuwi tayo sa payak na anyo,

ay isa tayong mahigpit na buhol ng masisidhing lubid.

Isang pag-isa ng ganting-higop ng kawalan

ng dalawang hinog na lalagyan. Ang kapit

ng dalawang binagang bakal sa halik ng lamig.

Maari ring dalawa tayong islang

nagtatayo ng maraming tulay sa pangangalakal

ng mga bagong alamat.

Isang punto sa ating katahimikan,

sinagwan ko ng aking kuko ang puting agos

ng iyong likod at sa diin ng aking daliri ‘y

sinubok ang pagtutuwid sa basag mong mga buto

sa balikat. Mahal, saglit na lang

ay tatawag na ang hati ng gabi, ngunit

may tawag rin ang pag-umbok ng anyo

ng puting mga bituin.

Suungin mo ako tulad ng uhaw ng agos

na sumisiksik sa marupok na patlang ng buhangin.

Maging marahas ka sa mga bakuran

at gawing malaya ang lahat ng lupain.

Bawiin mo sa aking bibig ang salita,

bagkus ay gawing ungol

na siyang tanging wika ng hangin

tuwing yinayapos ng heograpiya ng daigdig.

Ang kamay ng diyos naghihintay

sa iyong sinapupunan!

Ikuyom mo akong parang sanggol

sa umpisa ng paglalang.

Nobyembre 2001.Tayhi.

Leave a Reply