Mga Lunan ng Oktubre

October 24, 2004

Nang masalubong ko ang hapon sa Lagoon

Paano ko pipigilin

para sa tulang ito

ang hapong nangyayayri

ngayon sa ‘yo?

Para namnamin kahit ng mata

ang hindi nakayang lunukin

ng kaluluwa.

Maniwala kang bumibigay

ang kisig at bisig,

maging ang halkhak na kayang

tabunan ang mundo

ay napapaos. Marahil

sa pagbibilang, kung ilan,

ilan ang naging klase

ng berdeng nakikita ko

sa sabay-sabay mong mukha

(at ang buhay mong walang bilang)

makukumbinsi ng pakiramdam

na lugmok sa loob, na huwag

umalis nang mabilis

ang mga sinag at silahis

na tanging musmos at mapaglaro

pa ng emosyon.

Sa pagtuturo, sa pag-iisa-isa, sa pagsamba

(na hindi nagagambala ng Katapusan)

at pagdudusta sa laman kong lupa lamang

at susuko sa katandaan,

makakahanap ng kaligayahan

sa iyong gumagalang kapanatagan

sa mga puno at sa dulo ng bawat dahon

sa mundo.

Paano ko tatanggapin

sa tulang ito na ang hapon

ay paulit-ulit na nangyayari sa ‘yo

ngunit di ka nauubusan ng hininga

sa pagbibilang kung kailan

darating ang walang hanggang

kalungkutan.

Tulad nuon sa España, sa ganitong gabi, sa ganito karaming tubig

kay Dat



Kung meron man akong hinanakit

sa pagbagsak ng langit, maliban sa tubig

ay ang iyong pagkapit na wala ngayon

sa braso ko na nuo’y nanliit na baka

bumigay o mabali sa higpit at lapit

ng iyong init, ang iyong balat

sa aking balat, ang paa natin

walang ingay

sa ilalim ng tubig.

Mula Mabuhay, hanggang Lacson

inihatid natin ang isa’t isa

(kahit tayo’y dalawa) sa isang simula

na magmula nang matapos natin ang baha

ay nawalan na ng hangganan

ang pagdugtong ng ating mga lansangan.

Sa isang pag-ulan ibinuhol tayo

sa kasal ng pagtampisaw sa sanaw

sa isa’t isa tayo humawak para di maitangay

ng paglimot sa imburnal at lagusan.

Ipinasya nating itigil muna ang pagdaloy

ng panahon at paglaruan ang naipong sandali

hanggang lunurin tayo nito sa malabong tubig

At tayo’y nalunod, oo, at ginusto nating

huwag huminga, huwag umahon.

Salamat at nagtiwala kang di ko hahayaang

madapa ka sa nakalubog na daan. Salamat

at di mo ako iniwang nangangapa

ng mahahawakan

tulad ngayon

tulad ngayon.

Agosto 5 2000, Sulu Sta. Cruz Manila

Byahero ako

Tangan ang yosi sa dulo ng alas-singko

namumuo ang gabi sa singit ng amor seko

mas yumuko ang ulyaning akasya sa gilid ng kalsada

Halos mabaliw ang pusang sinipa ko sa ulo

ayokong may ngumangatngat sa tsinelas ko

May piyano sa tuktok ng carillon, ang malambot na tite

ng kalungkutan, sa lagoon may nagkakantutan

habang sa tubig nabubuo ang plato ng buwan

Ang mga hulmahan ng dunong ngayon

mga semento na lamang, at ang mga alaala natin

ay pawang mga puwang sa upuan

Nangangati ang palad ko nang madaanan magsyotang

naglalampungan, may napulot akong panyo sa basurahan

Bumagsak ang langit habang nakasabit sa dyipning pa-philcoa

Dito natatapos ang mga punong kahoy, at ang lahat ng bagay

na maganda, walang bakanteng upuan, lahat ng kamay may nakabantay

na maskuladong kamao, ang masasayang tao, tumawag sa telepono

sa numerong kinopya sa kubeta kanina, nakahahalina

ang patalastas na “libreng pag-ibig”

sumagot ang humahalinghing na tinig

Bago ko ibinagsak sinabi kong: tulad ko

may bayag ka rin

Lumuwag na ang pitaka sa pangalawa kong kaha, nakisindi

sa koreyana, naupo sa paradahan ng mcdo, inaagaw

ng ubo ang hininga ko, nakakabobo ang mga plaka ng oto

Gusto kong kumain kaya lang nakakatamad

magpabuklat ng bag sa sikyu kung may bomba

Gusto ko lang tumayo at mapagod ang paa

para may dahilang magpahinga

Kung meron lang sanang makakasamang mag-ubusan ng laway

sa paglibing ng oras na namamatay

Dahil alam kong walang susundo sa akin

ako’y maghihintay

baka sakaling may magbigay ng sakay

Tumawid sa lansangan, kumutkot ng barya

sumiksik sa bus papuntang España

Kung saan antukin duon matutulog

Kung saan magising duon bababa

Hatod[1]

Sana walang hanggan na

tayong nagta-taksi.

Ang iba’t ibang ugong ng aircon

ay makikilala natin bilang kawalan ng salita

nang lugmukin ako ng tequila

at sinalo mo ako, silently.

Ilang beses huminto ang sasakyan,

ang pagtahimik ay pagkakataon,

pero di tulad ng dati

hindi ko matagpuan ang kamay mong

nagtatapik ng balse sa ‘yong hita

sa dilim.

Sinabi kong maganda lang ang Maynila

sa loob ng sasakyan.

Sinabi mo, Makati,

binago ko: Cubao.

Hindi ko alam kung bakit

gusto kong madulas

sa upuan—siguro hinahanap ko

ang iyong ulo o balikat.

Aminin na natin

masyado tayong nagkunwaring interesado

sa liwaliw ng ilaw sa Espana—

gayong natin namang alam

na ang sulyap sa gilid ng mata

ay mas nakakakita.

Saglit akong inaliw ng kumukupsit

na tubig sa wind shield; nag-init

ang gilid ng aking hita

at sa salawal masakit ang pag-umbok

ng alaala ng pagkalas

ng butones ng iyong blusa.

Maaaring bigo ang gabing iyon

sa pagsaway ng hindi makasinungaling

na kalooban: walang puso ang dibdib

na nangangakong may pag-ibig

ngunit ngayon kay daling hubaran

ng damdamin ang laman.

Gusto kong sisihin ang nakabuhol na alpombrang

namamagitan sa atin

kung sa kamay mo lang

nadarama ang importansiya,

ang malagkit na pagtigil ng oras

ang pagkabaliw ng matitinong…ang langit!

Anong impiyerno

ang dapat tumusta sa mga orkidyas

na pinamulaklak ng anino?

Kung hipo lang

ang pandama ng hangin?

Habang papalayo na ang taksi

sa isinasara mong tarangkahan,

habang sa loob ng sinasakyan

naging mas malamig.

Dormitoryo

Patay ang unan sa dormitoryo

Pinapabayaang kainin ang mga panaginip

Mo ng mga demonyo sa ilalim ng kama

Pagsasarhan ng katapat na bintana

ang pagliwaliw ng iyong gunita

At di ka patutulugin ng Katahimikan

at ugong ng nababagot na electric fan

Wala kang mauuwian

sa magdamag kundi ang puti

ng lamparang nakikititigan

Hindi mapakali ang maluwag na gripo

sa naninilaw na banyo

Binibilang ang oras na tumatagas

Paikot na lumilipas sa butas

na palad ng lababo

At ganito, ganito

ang walang

hanggan

sa

dormi

tor

yo.

Hunyo 26 1999, Balara.

Overnight sa grove ng U.P. Diliman

Inulan ngayong umaga

ang mga ikinubli

nating pangamba.

Kagabi, nang sa banig

nakahilata tayo

sa basang damo,

nakadagan sa dibdib natin

ang talampakan

ng siksikang langit.

Namimilog ang buwan,

ngunit mas inintindi natin

ang ating boses na binasag

ng nagmumultong haplos

ng nagbigting mga hamog

sa daliri ng mga bulag na puno.

Mas ginusto nating mamaluktot

sa lamig, at nakawan ng init

ang isa’t isa.

Hinilom natin ang antok

sa pait ng sigarilyo,

ngunit hindi nakahindi

sa pagpatong ng panaginip.

Hindi ko na nakita

ang ating pagpikit.

Ngayong umaga inulan

ang ating iniiwasan.

Sa tila walang patid na lubid

ng tubig, bumuhos ang kinatatakutan

nating walang hanggan.

Bumubuo ng dagat

ang wala nang madaluyang tubig

sa ating talampakan.

Ngunit kagabi,

bago ako humandusay

sa isang banig nating pagtabi,

nakatitig ako sa mga ulap

duon sa katihang mahamog.

Mahinahon pa ang pagsipa

ng kanilang sinapupunan,

ngunit tiyak ang pagluwalhati

ng kalawakan.

At sa tulog mong anyo

inulit kong natatakot ako,

natatakot ako habang lumalawak

ang nababagtas ng dilim.

Ngunit ngayong gabi,

mahal kita.

At natatakot ako,

natatakot ako ulap, lamig

dahon at damo,

sa umaga.

Setyembre 24 1999.U.P. Diliman-Balara, Pansol.

[1] bikolano, ibig sabihi’y hatid

Leave a Reply